KORONADAL CITY – Walang inaasahang “congregational prayer” ng mga Muslim sa South Cotabato sa selebrasyon ng opisyal na pagtatapos ng Holy Month of Ramadan ngayong araw.
Ito ang inihayag ni Sultan Mutalib Sambuto, Muslim Affairs Chief ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Sambuto, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa probinsiya at sa iba pang lugar ay hindi pinapayagan ang mass gathering o malaking pagtitipon ngayong Eid’l Fitr.
Ang tinatawag na congregational prayer ay ang pagtitipon sana ng lahat ng mga Muslim sa mga mosque upang sabay-sabay na manalangin, magpasalamat at magdaos ng malaking selebrasyon.
Gayunman, kanya-kanya na lamang muna ang panalangin ng mga ito kasama ng kanilang mga pamilya.
Kahit naman aniya hindi makapunta sa mosque ay hahanap na lamang sila ng malinis at tahimik na lugar sa kanilang bahay o tinutuluyan upang doon manalangin.
Kasabay nito, hihilingin umano nila kay Allah ang pagtatapos na ng pandemic gayundin ang kapayapaan sa Mindanao dahil sa panibagong tensiyon at bakbakan na nangyari sa Datu Paglas, Maguindanao.