-- Advertisements --

Umakyat na sa 138% ang occupancy rate ng emergency room (ER) ng East Avenue Medical Center (EAMC) noong Martes, Agisto 5, ayon sa pamunuan ng ospital.

Ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng EAMC, 207 pasyente ang nasa ER noong umaga ng Martes, lampas sa authorized capacity nitong 150.

Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagdagsa ng pasyente ay ang kamakailang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa zero balance billing sa mga pampublikong ospital, pati na rin ang epekto ng tag-ulan sa kalusugan ng publiko.

Sa kabila ng overcrowding, tiniyak ng ospital na patuloy nilang ipinatutupad ang no-refusal policy at may triage system para i-assess ang mga pasyente kung kailangang ER care o maaaring idirekta sa ibang klinika.

Kasabay ng mga pag-ulan at pagbaha, tumaas din ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa ospital.

Mula Hulyo, naitala na ang 63 kaso, kung saan 49 ang kasalukuyang naka-admit. Wala pa namang naitatalang nasawi, bagamat may ilang malubhang kaso na nangangailangan ng dialysis.

Mayroong 40 dialysis units at sapat na gamot at kagamitan ang EAMC para tugunan ang mga kaso, ayon kay Del Rosario.

Sa kabuuan, umaabot na sa mahigit 1,290 pasyente ang nasa ospital, kahit 1,000 lang ang authorized bed capacity nito. Aminado si Del Rosario na nakakaapekto ito sa kalidad ng pangangalaga sa bawat pasyente.

Samantala, una nang ipinatupad ng Philippine General Hospital (PGH) ang limitasyon sa ER admissions dahil sa overcapacity.