-- Advertisements --

Tiniyak ni Sen. Bong Go na patuloy na nagtatrabaho si Pangulong Rodrigo Duterte habang nagpapahinga sa Davao City.

Ginawa ni Go ang pahayag sa ginawang paglagda ng Manifesto of Support sa anti-corruption campaign ng Duterte administration sa Malacañang.

Sinabi ng senador na bagama’t napagod sa kanyang ginawang pag-iikot sa Mindanao lalo sa mga kampo ng sundalo sa loob ng isang buwan, maayos naman ang kalusugan ni Pangulong Duterte at walang dapat ipag-alala.

Ayon kay Go, sa katunayan ay ayaw ni Pangulong Duterte na magpahinga sa kabila ng payo ng kanyang mga doktor at hindi siya makatagal sa bahay.

Inihayag nito na hanggang Huwebes lamang magpapahinga si Pangulong Duterte at sa Biyernes ay makikipagpulong ito sa mga magsasaka ng North Cotabato para pakinggan ang kanilang mga concerns.

“Ok po ang Pangulo. Sa totoo lang, hindi po napapansin noon na, in a month, meron talaga siyang Mindanao leg na ginagawa. Isang linggo siya doon, nag-ikot sa Jolo, sa mga kampo. Binisita niya ang mga sugatan na sundalo. Hindi niyo alam, naroon siya, nagtatrabaho,” ani Go.

“Sa totoo lang, ayaw ni Pangulo na nagpapahinga kahit ina-advise siya ng doktor. ‘Di siya makatagal sa bahay. Gusto n’ya magtrabaho. Bahay n’ya sa Davao, doon ang comfort zone n’ya. Doon siya nakakapagpahinga at nagtatrabaho. But, rest assured, he is ok.”
“Biyernes, punta kami ng North Cotabato sa mga farmers. Nanawagan sila sa Pangulo kaya ang sabi naman ng Pangulo, pupuntahan niya sila. Siya mismo ang pupunta at makikinig sa mga farmers. Kita niyo naman, trabaho pa rin,” dagdag nito.