Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na ipahinto ang operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa, sa kabilang ng sinasabing pagkakasangkot nila sa money laundering schemes.
Sa isan gpanayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaring gamitin kasi ang kita ng pamahalaan mula sa POGO operations bilang pondo sa mga hakbang na ginagawa laban sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Panelo, satisfied naman si Pangulong Duterte sa report ng Philippine Amusement and Gaming Corportation (PAGCOR) sa mga kitang nalikom mula sa POGOs.
“Ang sabi niya (Duterte) sa akin kahapon, maganda yung report ni PAGCOR head. Maganda raw ang report sa kanya. Kailangan talaga natin ng pondo galing diyan. Marami tayong projects na kailangan natin ng pondo. For instance, for the salaries of the nurses, for teachers, marami,” ani Panelo.
Nauna nang sinabi ng PAGCOR na pumalo sa P8 billion ang kanilang kinita mula sa ipinataw na regulatory fees sa dalawang porsiyento ng gross gaming revenues ng POGOs.
Mula 2017, nang sinimulan ng PAGCOR ang pag-regulate sa POGOs, ang kanilang kita rito ay pumalo na sa P18 billion hanggang sa kasalukuyan.
Pero ayon sa Anti-Money Laundering Council, P14 billion halaga ng POGO transactions ay kahinahinala.