Iginiit ng Malacañang na wala ng susunod na gagawin si Pangulong Rodrigo Duterte o ang gobyerno ng Pilipinas matapos i-invoke ng pangulo sa United Nations General Assembly (UNGA) ang arbitral ruling sa kaso ng Pilipinas laban sa China.
Magugunitang ilang maritime experts ang nag-aabang sa “next move” umano ni Pangulong Duterte kasama na rito si dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na nagsabing dapat ilagay sa realidad ni Pangulong Duterte ang kanyang pag-invoke sa arbitral award sa pamamagitan ng pagkuha pa ng suporta sa mas maraming bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagawa na ni Pangulong Duterte ang dapat gawin sa harapan ng mga world leaders at nakaukit na sa international law ang nasabing ruling.
Ang problema daw kasi ay walang enforcer o police force na maaaring magpatupad ng nasabing ruling mula sa Permanent Court of Arbitration (PCA).
Samantala, nagpapasalamat naman ang Malacañang kay dating Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio dahil sa wakas daw pinuri nito si Pangulong Duterte.
“Nagpapasalamat po kami kay Justice Carpio. Sa wakas napuri ang Presidente ni Justice Carpio. Kay Albert del Rosario, hindi kasi abogado. Wala po talaga kasing police na pupuwede mag-enforce ng arbitral award na yan. Yan po ay naririyan na, nakaukit na po sa tadhana yan, nakaukit na po yan sa international law. Wala na po silang magagwa sa posisyon na yan. Kay Secretary Del Rosario, ganyan po talaga ang field ng international law. Yan ang pagkakaiba ng international law sa domestic,” ani Sec. Roque.