Inatasan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang binuong task force na nag-iimbestiga sa PhilHealth anomaly na palawakin ang kanilang iimbestigahan at isunod na tutukan ang korupsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kanyang public address mula sa Davao City, sinabi ni Pangulong Duterte na matindi ang korupsyon sa DPWH kaya magiging puspusan ang gagawing imbestigasyon ng task force dito.
Ayon kay Pangulong Duterte, aasahan ang pagsuspinde nito ng mga opisyal ng DPWH sa mga susunod na araw at pagkuha pa ng karagdagang abugado para tutulong sa imbestigasyon.
Kasabay nito, nilinaw naman ni Pangulong Duterte na wala siyang personal na galit o duda kay Public Works Sec. Mark Villar at marami itong accomplishments.
Pero hindi raw sapat kay Pangulong Duterte ang accomplishments lang at habol nitong maresolba ang korupsyon sa DPWH.