Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran ng gobyerno ang P930 million na pagkakautang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Philippine Red Cross.
Magugunitang itinigil na ng Red Cross ang pagsasagawa ng COVID-19 tests sa mga chargeable o babayaran ng PhilHealth.
Sinabi ni Pangulong Duterte, walang dapat ipag-alala ang Red Cross dahil babayaran sila at hinahanapan na ng solusyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, maghintay-hintay lamang ang Red Cross ng konting panahon at mababayaran din ang utang ng PhilHealth.
Una ng inihayag ni PhilHealth President/CEO Dante Gierran na babayaran ng PhilHealth ang utang sa Red Cross kung mareresolba na ang isyu sa implementasyon ng Memorandum of Agreement (MOA).
“Itong Red Cross, ‘wag kang mag-alala. Mabayaran ‘to. They’re just looking for a way to present the solution to the [Commission on Audit] pati sa budget,” ani Pangulong Duterte.
“It will take time, but we will pay. We will look for the money. Hindi naman marami, but the priority natin dito is really medical.”