-- Advertisements --

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na kung hindi makikipagkasundo para sa kapayapaan ang mga rebeldeng grupo, paiigtingin na lamang ng tropa ng pamahalaan ang pakikipaglaban hanggang magkaubusan na lang.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang pakikipagharap sa mga sundalo sa Camp Teodulfo Bautista sa Jolo, Sulu kahapon matapos ang pagbisita sa blast site kung saan namatay ang 15 na katao habang 74 pa ang sugatan.

“If we cannot really agree, then we fight. And we fight hard hanggang magkaubusan na. Maybe by that time, kung ubos na ang lahat, wala nang giyera,” ani Pangulong Duterte.

“Sapagkat ngayon, hindi ko mapigilan ang mga sundalo ko kasi may misyon sila. And the mission is to crush the insurgency,” dagdag ni Pangulong Duterte.

Inamin ni Pangulong Duterte na napakahirap resolbahin ang insurhensya sa Pilipinas dahil sa kinikimkim na galit sa puso ng mga rebelde.

Inihayag ni Pangulong Duterte na may dalawang taon pa siya sa termino at pipilitin nitong may magagawa para sa kapayapaan.