-- Advertisements --

Tahasang nagbanta ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Kongreso na ayusin ang kanilang problema sa pagpasa sa 2021 proposed national budget kundi ay siya na ang reresolba nito.

Sa ginawang public address ngayong gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya nananakot pero seryoso siya na dapat ipasa ng Kongreso sa tamang panahon ang national budget dahil hindi niya papayagang walang gagamiting pondo sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Pangulong Duterte, ayaw niyang may Pilipinong mamamatay sa ospital dahil walang pera ang gobyerno sa pagbili ng gamot at iba pang kinakailangang medikal.

Kaya iginiit ni Pangulong Duterte na kailangang ipasa ng Kongreso ang national budget bago siya ang kikilos at magkakaproblema ang lahat.

Nilinaw naman ni Pangulong Duterte na walang ibig sabihin ang presensya ng mga pinuno ng PNP at AFP sa kanyang tabi at lalong wala siyang balak magtagal sa pwesto o palawigin ang kanyang termino.

Habang nagsasalita si Pangulong Duterte, nasa likod nito sina AFP Chief Gilbert Gapay at PNP Chief Camilo Cascolan, gayundin ang lahat ng major service commanders ng AFP.

Katabi naman nito sa lamesa sina Executive Sec. Salvador Medialdea, Defense Sec. Delfin Lorenzana, Interior Sec. Eduardo Año at Sen. Bong Go.

“Either you solve the problem or I will solve it for you,” ani Pangulong Duterte.