Muling nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad na tuluyang madamay ang Pilipinas sa tumitinding sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa pangulo, hindi malayong madamay ang bansa sa oras lumala pa ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine lalo na’t nandito aniya sa bansa ang mga sundalong Amerikano at may mga armas sila dito.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, posible rin aniya sumali ang China sa kaguluhang ito at salakayin naman ang Taiwan at pati na rin ang Pilipinas.
Aminado ang presidente na walang sinabi ang ating bansa pagdating sa mga armas na pandigma dahilan kung bakit hindi aniya tama ang pagmamatapang ngayong panahon na ito.
Magugunita na dati na ring nagbabala si Pangulong Duterte sa posibilidad nang pagsalakay ng China sa bansa sakaling magpasya ang Russia na gumamit ng nuclear weapos sa giyera sa Ukraine.