Nakatakdang magbibigay ng address o mensahe si Pangulong Rodrigo Duterte sa kauna-unahang pagkakataon sa United Nations (UN).
Sinabi ni Chief of Presidential Protocol Robert Borje, ngayong linggo ide-deliver ni Pangulong Duterte ang statement ng Pilipinas sa gagawing General Debate ng UN General Assembly na nagsimula ang ika-75 na session noong nakaraang linggo.
Si Pangulong Duterte ay kabilang unang set ng speakers sa Setyembre 22 (New York time) o madaling araw ng Miyerkules, Setyembre 23 sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Borje, magiging virtual ang nasabing UN General Assembly ngayong taon dahil na rin sa movement restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Inaasahan umanong sisentro ang mensahe ni Pangulong Duterte sa US-China tension sa South China Sea kung saan claimant ang Pilipinas sa ilang teritoryo.
Tatalakayin din umano ni Pangulong Duterte ang global response sa COVID-19 pandemic, sustainable development and climate change, rule of law, justice and human rights, kasama na ang sitwasyon ng mga migrant workers at refugees, gayundin ang peacekeeping at UN reforms.
Magugunitang mula nang maupo si Pangulong Duterte noong 2016, mga foreign secretaries ang kumakatawan sa kanya at dumadalo sa taunang UN General Assembly.
“The President will articulate principled Philippine positions on peace and security, which includes terrorism and geopolitical developments in Asia and the Pacific,” ani Sec. Borje .