-- Advertisements --

Ibinunyag ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na “galit” si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyayari sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Nang magkita aniya  sila ni Pangulong Duterte noong Lunes, Oktubre 5, ay nakita niya ang galit ng Pangulo dahil “nadenggoy” aniya silang dalawa sa issue sa term-sharing agreement.

Ito ay matapos na tumayo sa plenaryo si Speaker Alan Peter Cayetano noong nakaraang linggo para ialok ang kanyang resignation bilang lider ng Kamara, bagay na tinanggihan ng 184 na kongresista.

Ayon kay Velasco, sinabi ni Pangulong Duterte sa kanya na dalawa na silang napapahiya sa mga kaganapan na ito.

Sa katunayan, sinabi ni Velasco na sa pulong pa lang nila sa Malacañang noong Setyembre 29 kasama ang kampo ni Cayetano ay hiniling mismo ni Pangulong Duterte na sa Oktubre 14 pa ito magbibitiw bilang House Speaker.

Ito ay bilang paggalang na rin sana aniya sa “gentlemans’ agreement” na binuo mismo ni Pangulong Duterte.