Todo-paliwanag ang Malacañang sa pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nag-utos sa pananambang kay dating Daang-bantayan Mayor Vicente Loot.

Ito’y matapos inihayag ni Pangulong Duterte sa oathtaking ceremony kagabi sa Malacañang na pina-ambush na niya ang dating heneral pero buhay pa rin ito.

“Pumasok na talaga ang narco state. Mga mayor. Mayor Mabilog ng… General Loot. P* i** mo nanalo pa ng barangay — mayor. Inambush (ambush) kita animal ka, buhay pa rin. General-general mo. P**… Pag-aral mo sa PMA gastos ng gobyerno. Tapos kayong mga unggoy kayo sinisira ninyo ang bayan. That’s why I said I am — if I was up against government. And so I had to say ang kalaban ko talaga — little did I realize that I was up against my own government,” ani Pangulong Duterte kagabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, mali ang pagkakaintindi ng media sa naging pahayag na ito ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Sec. Panelo, hindi matatas sa Tagalog ang pangulo dahil tubong Bisaya kaya paminsan-minsan ay nagkakamali ito sa pagbigkas at pagbuo ng mga pangungusap.

Paliwanag ni Sec. Panelo, imbes na “pina-ambush na kita” ay “inambush ka na ngunit buhay ka pa rin” ang nais sabihin ni Pangulong Duterte.

Nabatid na isa si Loot sa pinangalanan ni Pangulong Duterte na umano’y mga police generals na protector ng illegal drug syndicates at noong Mayo 2018 ay masuwerteng nakaligtas sa isang ambush na ikinasugat ng apat na indibidwal.