Maituturing pa rin umanong matagumpay ang naging pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa ikalimang pagkakataon.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasabay nang pag-uwi ng Pangulo nitong araw ng Linggo kung saan maaga itong dumating sa Villamor Air Base.
Ayon kay Panelo, “successful and highly productive” ang pagtungo ni Pangulong Duterte sa China kung saan inungkat nito ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa arbitral ruling.
Gayunman, isang “outright rejection’ o ibinasura lamang ni Chinese President Xi Jinping ang nasabing ruling ng Permanent Court of Arbitration sa bilateral meeting nila ni Digong.
Nabatid na matiyaga pang pinanood ng pangulong ang opening match ng Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA Basketball World Cup sa Guangzhou province ng China.
Ito’y kahit na hindi pinalad ang koponan ng Pilipinas kontra sa Italy, 62-108.
Nagkaroon din ng pagkakataon na makadaupang-palad ni Pangulong Duterte ang Hong Konger/Chinese action star na si Jackie Chan.
Batay sa impormasyon, nakatanggap ang 74-year-old chief executive ng panda stuff toy at sariling libro ng 65-year-old martial arts expert.