-- Advertisements --

Mula nang pumutok ang outbreak ng COVID-19 sa Pilipinas, nakapagtala ang National Center for Mental Health (NCMH) ng pagtaas sa bilang ng mga tumatawag para magpasaklolo sa kanilang pinagdaraanan na dulot ng pandemya.

NCMH crisis hotline
IMAGE | NCMH crisis hotline data, as of August 15, 2020

Batay sa data ng NCMH, mula noong Marso hanggang nitong Agosto ay pumalo sa 32 hanggang 37 tawag kada araw ang natanggap ng kanilang crisis hotline. Katumbas nito ang average na 876 calls kada buwan.

Higit na mataas ito kumpara sa 13 hanggang 15 average daily calls na kanilang natanggap mula Mayo ng 2019 hanggang nitong Pebrero.

Pinakamaraming tawag na natanggap ang NCMH crisis hotline sa nakalipas na taon ay nitong Hunyo na umabot sa 1,115. Sa kabuuan, pumalo na sa 9,494 Pilipino raw ang nabigyan ng NCMH ng mental health service mula Mayo ng nakaraang taon hanggang kasalukuyan.

Samantala, umabot naman sa 53 ang monthly average ng suicide-related calls na natanggap ng mental health facility, as of August 15. Pinakamaraming tawag na may kinalaman sa pagpapakamatay ang natanggap ng NCMH nitong Hunyo at Hulyo na nasa higit 110.

NCMH suicide calls data
IMAGE | NCMH data on suicide-related calls, as of August 15, 2020

Malaking bilang ng mga tawag na tinugunan ng pasilidad ngayong pandemic ay nasa pagitan ng mga edad 18 hanggang 30-anyos. Karamihan sa kanila ay mula sa hanay ng mga kababaihan.

Ayon sa NCMH, anxiety related concerns at naghahanap ng referral sa mga mental health experts ang karamihan ng tawag na kanilang natanggap mula nitong Abril.

“Hindi lahat ng tumatawag ay bago, ibig sabihin yung numbers natin ay maaaring may nata-tag na repeat calls. Basta itong mga tawag na ito binibilang natin per call and not per individual. Most returning callers are exacerbate by the pandemic,” paliwanag ni Department of Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa hiwalay namang NCMH COVID-19 hotline, may 2,372 Pilipino rin na naabutan ng psychosocial support ngayong pandemya. Karamihan sa kanila ay tawag dahil sa health concerns.

Bukod sa nasabing mga linya ng komunikasyon, may Telemental Health din na alok ang NCMH na target din ang healthcare workers at mga umuwing Pilipino galing abroad.

Kamakailan nang alertuhin ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang Inter-Agency Task Force dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng suicide cases nitong panahon ng pandemic.

Libreng makakatawag ang sino mang mangangailangan ng konsultasyon o makakausap ngayong pandemya sa mga numero ng NCMH. (Mobile: 0917-899-8727/Landline: 7-989-8727)