ILOILO CITY – Tiniyak ng Department of Trade and Industry na walang ‘surge pricing’ sa mga pangunahing bilihin kasunod ng pananalasa ng Bagyong Ursula sa Western Visayas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Department of Trade and Industry 6 Director Rebecca Rascon, sinabi nito na walang pahintulot mula sa ahensya na pataasan ang presyo ng prime commodities.

Ayon kay Rascon, sapat ang supply ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng pangangailangan sa relief goods ng mga nakatira sa Northern Iloilo at sa iba pang lugar sa rehiyon.

Inihayag ni Rascon na naging prayoridad ng kanilang inspection ang mga negosyo sa bayan ng Batad at Balasan na lubos na napinsala ng bagyo.

Maliban sa bayan ng Carles, nagdeklara na rin ng state of calamity ang Batad at Balasan kung saan automatic na walang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.