-- Advertisements --

Nangako kay Labor Sec. Silvestre Bello III ang Department of Trade and Industry (DTI) at attached agency nitong small business corporation (SBC) na bibilisan nila ang pagproseso sa mga loans o pautang para sa mga micro and small business enterprises.

Ito ay bilang pambayad ng 13th month pay ng mga employers sa kanilang mga manggagawa ngayong Disyembre kahit pa isa ang kanilang negosyo sa matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sec. Bello, bago mag-Disyembre ay naipagkaloob na ang mga pautang para bago mag-Disyembre 24 ay maipamahagi na ito ng mga employers sa kanilang mga manggagawa alinsunod na rin sa itinatakda ng batas.

Una ng inihayag ni Sec. Bello na may nakalaan ng P4 billion pondo ang DTI at small business corporation bilang soft loans o pautang sa mga micro and small business enterprises.

Handa rin umano ang Rural Bankers Association of the Philippines na magpautang sa mga maliliit na negosyo kung hindi mabibigyang subsidiya ng pamahalaan ang pondo para sa pagkakaloob ng 13th month pay ng mga manggagawa na nagtatrabaho sa mga maliliit na negosyo.