CAUAYAN CITY- Umiikot ngayon ang mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela upang suriin ang mga itinitindang christmas lights sa lalawigan.
Katuwang ng DTI ang LGU’s at mga market supervisors sa pagtiyak na pumasa sa product standard ang mga ibinebentang Christmas lights.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na bukod sa mga noche buena products ay pinagtutuunan nila ng pansin ang mga christmas lights.
Sinabi ng Provincial Director na ang christmas lights na gawa dito sa Pilipinas ay mayroong Philippne Standard marked at mayroon namang Import Commodity Clearance (ICC) stickers naman kapag galing sa ibang bansa.
Ang Philippine Standard Mark at ICC sticker ay nagpapatunay na pumasa sa product standard at quality ng DTI ang nasabing produkto.
Sinabi pa ni Provincial Director Singun na dapat itanong ng mga mamimili ang mga PS mark at ICC sticker ng mga bibilhing christmas light at kung walang masabi ang nagtitinda ay kaagad na iulat sa DTI upang kanilang matugunan.
Sa kanilang pag-iikot ay wala pa silang nakikitang sub-standard christmas lights na mga naka-display sa mga tindahan.
Kinakailangan anya nila ang tulong ng mga mamimili dahil mapanganib ang mga pailaw na sub-standard na maaring magsanhi ng sunog.