-- Advertisements --

Nakahanda na ang iba’t-ibang unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa malawakang rally na nakatakdang isagawa sa araw ng Lingo, Setyembre-21.

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin, buo na ang Civil Disturbance Management Units na idedeploy sa mga pangunahing lansangan kung saan isasagawa ang malawakang demonstrasyon at kilos protesta.

Libo-libong pulis ang bubuo sa mga naturang unit na handang umalalay sa lahat ng aspeto, mula sa traffic management hanggang sa pag-kontrol sa mga ralyista. Nabuo na rin aniya ang alternative security plan.

Ang deployment ay bubuuin ng 2,200 miyembro ng civil disturbance management, habang 300 pulis ang magsisilbing standby support force.

Aabot din sa 40 pulis na magsisilbing drone operators ang idedeploy. Makakatulong ang mga drone units sa mas komprehensibong pagbabantay sa kabuuan ng rally.

Sa border control, mahigit 530 personnel ng NCRPO ang idedeploy sa mga checkpoint area sa buong Metro Manila, habang 436 pulis ang susuporta sa traffic management.

Giit ni Aberin, lahat ng mga pulis ay napayuhang ipatupad at obserbahan ang maximum tolerance. Gayonpaman, hindi lamang aniya manonood ang mga pulis kung may mga ralyista na hayagang lalabag sa batas.