Sinuspinde na ng Land Transportation Office ang driver’s license ng 11 taxi at transport network vehicle service drivers na sangkot sa overcharging issue sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan.
Sa isang pahayag ay sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na pinatawan nila ito ng 90 days suspension.
Kasunod ito ng paglalabas ng show cause order dahil sa reklamo ng ilang pasahero sa naturang paliparan dahil sa sobrang singil sa maikling biyahe.
Batay sa naging inisyal na imbestigasyon, lumalabas na aabot sa P700 ang singil ng naturang mga driver mula Naia Terminal 1 hanggang Terminal 3 na hindi naman praktikal.
Nilinaw ng Land Transportation Office na magpapatuloy ang kanilang hakbang upang maputol ang ilegal na modus ng ilang taxi at TNVS driver sa NAIA.
Ani, Mendoza, hindi ito ningas kugon at ito ay magpapatuloy.
Nilinaw naman ng LTO na ang kanilang ipinataw na suspensyon ay hiwalay pa sa legal procedure na isinasagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board hinggil sa kanilang mga prangkisa.