Nakalaya na ang driver ng SUV na nakabangga at nakapatay ng dalawang tao sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Mayo 4.
Kinilala ang driver na si Leo Gonzales, na pansamantalang pinalaya matapos magpiyansa ng P100,000 na itinakda ng Pasay Regional Trial Court, ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
Ayon kay AVSEG Director Brig. Gen. Christopher Abecia, ‘He has already been released on bail.’
Mababatid na ang insidente ay nangyari matapos biglang umarangkada ang nakaparadang SUV at bumangga sa mga bollard bago tumama sa ilang tao.
Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang limang taong gulang na bata, habang apat pa ang sugatan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.