-- Advertisements --
Duterte SONA 2020 House

Tahasang binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bunga ng kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ang mga kritiko partikular si Sen. Franklin Drilon at ABS-CBN na pag-aari ng mga Lopez.

Sinabi ni Pangulong Duterte, nakakalungkot na habang kinakalaban ng gobyerno ang COVID-19 pandemic, may nagagawa pang magsamantala sa sitwasyon at isa rito si Sen. Drilon.

Ayon kay Pangulong Duterte, aroganteng inihayag ni Sen. Drilon na hindi umano kailangang mayaman ang mga “oligarchs” at iniugnay ang anti-political dynasty advocacy sa “oligarchy issue.”

Dito partikular umanong tinukoy ni Sen. Drilon ang kanyang mga anak na sina Davao City Mayor Sara Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte.

“It is sad that while the government battles the coronavirus, there are those who take advantage of a preoccupied government. One of them is Senator Franklin Drilon,” ani Pangulong Duterte.

Kasabay nito, inihayag din ni Pangulong Duterte na naging “casualty” siya ng mga Lopez noong 2016 elections at iginiit na ang media ay makapangyarihang kasangkapan sa kamay ng mga “oligarchs” gaya ng mga Lopez na ginamit sa kanilang laban sa mga political figures.

“I am a casualty of the Lopezes in the 2016 elections…Media is a powerful tool in the hands of the oligarchs like the Lopezes who use it for their battles with political figures,” dagdag ni Pangulong Duterte.