Nagpadala na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga heavy equipment para linisin at ayusin ang mga kalsadang naapektuhan ng mga gumuhong lupa at malalaking tipak ng bato sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyong Julian sa northern Luzon.
Ayon sa DPWH, ilang mga pangunahing kalsada ang nabagsakan ng mga gumuhong lupa. Sa ilang kalsada naman, gumuho ang ilang bahagi ng mga ito.
Marami sa mga ito ay naitala sa Cordillera Administrative Region at Ilocos Region kung saan nagkaroon ng mabibigat na pag-ulan.
Ayon sa DPWH, gagamitin ngayong araw ang mga heavy equipment upang linisin at tanggalin ang mga bumagsak na lupa, at bumuo ng mga pansamantalang daanan kapalit ng mga kalsadang hindi na madaanan, tulad ng Apayao-Ilocos Norte road sa pagitan ng Cordillera at Ilocos Region.
Pinakiusapan na rin umano ng ahensiya ang mga private contractor para tumulong sa paglilinis sa mga kalsada.
Pinayuhan naman ng DPWH ang mga biyahero na mag-ingat sa pagmamaneho at pagbibiyahe sa northern Luzon dahil sa nananatiling malaki ang posibilidad ng rock slide at landslide lalo na sa mga dumadaan sa mga kalsadang malapit sa kabundukan.