-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr_ Secretary Vince Dizon sa mga komyuter na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga proyektong magbibigay ginhawa sa kanilang mga karanasan bilang mananakay kahit na ipinagpaliban na ang proyektong ‘EDSA Rebuild’.

Ayon kay Dizon, magdadagdag pa rin ang Department of Transportation (DOTr) ng mga bus sa EDSA Busway at mga tren sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3. Aniya, 100 karagdagang EDSA carousel buses ang idaragdag upang mas mapagsilbihan ang mga pasahero kahit hindi natuloy ang EDSA rehabilitation.

Matatandaan na kasama itong pagdagdag ng mga bus at MRT trips sa limang inisyal na plano ng departamento kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa isasagawang EDSA Rebuild. Ito ay kanilang isasagawa dahil kapag inayos na muli ang EDSA, marami ang maaapektuhang komyuter.