-- Advertisements --

Dumalaw si Transportation Secretary Vince Dizon sa burol ng walong biktima ng malagim na karambola sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang apat na bata, at ikinasugat ng mahigit 30 iba pa.

Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), muling tiniyak ng ahensya ang kanilang paninindigang itaguyod ang hustisya para sa mga biktima. Ayon sa ulat negatibo sa ilegal na droga ang bus driver ng Solid North na sangkot sa insidente, batay sa Tarlac City Police.

Inanunsyo ni Dizon na simula Lunes, isasailalim sa mahigpit na inspeksyon sa roadworthiness ang lahat ng 273 bus ng Solid North, habang lahat ng driver ng kumpanya ay obligado ring sumailalim sa drug test.

Kasama rin sa pag-aaral ng DOTr ang pag-regulate sa maximum time ng biyahe ng mga bus driver upang maiwasan ang pagod at disgrasya sa kalsada.

Nangyari ang insidente noong Huwebes sa Tarlac City Toll Plaza ng SCTEX, kung saan sangkot ang ilang sasakyan, kabilang ang bus na patungong youth camp sa Pangasinan.

Pansamantalang sinuspinde ng 30 araw ang operasyon ng Pangasinan Solid North Transit Inc., habang inaasikaso na ng kumpanya ang pakikipag-ugnayan sa mga naulila.

Nagpaabot naman ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Tarlac at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga gastusin sa ospital at burol ng mga biktima.