Magbubukas ang Department of Tourism (DOT) ng mga oportunidad sa trabaho at pagsasanay sa larangan ng turismo para sa mga kwalipikadong senior citizen.
Ito ay bilang bahagi ng nilagdaang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng DOT at National Commission of Senior Citizens sa Makati City ngayong araw ng Miyerkules.
Sa pamamagitan nito, inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco na ia-activate ng DOT ang regional offices nito para maisama ang mga senior citizen sa kanilang mga pagsasanay para sa mga tourism stakeholders.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang komisyon ng needs assessment para maihanay ang kanilang training program para sa mga benepisyaryo.
Sa oras na simulan ang programa, sinabi ni NCSC officer-in-charge Chairperson Mary Jean Loreche na kailangan lamang ng mga senior citizen na maging physically at mentally fit para makwalipika sa training program.
Ilan naman sa tinukoy ni Sec. Frasco na posibleng job opportunity sa mga dinarayong lugar sa mga probinsiya ay tour guiding o di naman kaya’y empleyado sa resorts at hotels.
Samantala, maliban pa sa pagsasanay, makakatulong din ang MOU sa pagbalangkas ng DOT ng mas inklusibo pang mga polisiya na sensitibo sa mga pangangailangan ng mga naglalakbay na senior citizens.