Naglabas ng advisory ang Department of Tourism (DOT) na humihikayat sa publiko na ipagpaliban ang hindi mahalagang biyahe sa mga lugar malapit sa Mayon Volcano dahil nananatili ito sa Alert Level 3 sanhi ng patuloy na volcanic unrest.
Ayon sa ahensiya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa banta ng mapanganib na aktibidad ng bulkan.
Naitala na rin ang ashfall sa ilang bahagi ng Albay kabilang ang Guinobatan, Camalig, Daraga, at Ligao City, habang nagpapatuloy ang lava effusion, rockfall, volcanic earthquakes, at pyroclastic density currents o uson.
Pinayuhan din ng ahensya ang mga biyahero na kumpirmahin muna ang bookings at schedules at sumunod lamang sa opisyal na abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), lokal na pamahalaan at ng Tourism Department.
Iginiit ng DOT na nananatiling prayoridad nito ang kaligtasan ng mga turista at tourism workers habang patuloy na minomonitor ang sitwasyon.















