-- Advertisements --

Pinuri ng Department of Tourism (DOT) ang girl group na BINI at ang Filipino member ng multinational girl group na si Sophia Laforteza matapos ang kanilang makasaysayang debut sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Estados Unidos.

Ayon sa DOT, naipakita ng mga artistang Pilipino ang galing ng bansa sa isa sa pinakamalalaking music festivals sa mundo, kung saan naging kauna-unahang Filipino act ang BINI na nagtanghal sa Coachella.

Umabot ng 45 minuto ang kanilang performance na binubuo ng 10 kanta, at umani ito ng atensyon mula sa international audience, kung saan makikita rin ang pagwagayway ng mga bandilang Pilipino.

Binigyang-diin din ng ahensya na ang sabay na paglabas ni Sophia Laforteza at BINI sa entablado ay nagpapakita ng lumalawak na impluwensya ng musikang Pilipino sa global stage.

Kinilala rin ng DOT ang kanilang ambag sa pagpapakita ng kultura, talento, at identity bilang Pinoy sa buong mundo.

Bilang pagkilala, naghain si Negros Occidental 3rd District Rep. Javi Benitez ng House Resolution No. 930 upang parangalan ang BINI sa pagiging unang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella. Nauna ring naghain ng kaparehong resolusyon si Sen. Bam Aquino.

Samantala, patuloy na pinag-uusapan sa international media ang performance ng grupo. Tinukoy ng The Hollywood Reporter ang kanilang paglalakbay mula simula hanggang sa kanilang makasaysayang pag-akyat sa global stage.

Samantala pagkatapos ng Coachella, nakatakda namang magtanghal ang BINI sa Grammy Museum sa Abril 21, kung saan ipakikilala rin nila ang kanilang bagong extended play na “Signals.”