-- Advertisements --
pfizer
IMAGE | Pfizer pharmaceutical corporation

Aminado ang Department of Science and Technology (DOST) na posibleng mapabilis ang proseso ng kompanyang Pfizer kapag nagpasa ito ng aplikasyon para sa clinical trials ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng kompanya na 90% effective ang kanilang bakuna laban sa pandemic na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Kung 90% (effective) at mapatunayan ‘yan sa mga datos na maga-gather, I think mataas ‘yon (tsansa na mapabilis ang proseso ng aplikasyon),” ani DOST Sec. Fortunato dela Peña.

Nilinaw ng kalihim na kailangan pa rin dumaan regulatory process at pagsusuri ng mga eksperto ang bakuna ng Pfizer, mag-apply man sila para sa clinical trial o para sa supply.

Tulad ng mga nagpasa na ng aplikasyon para sa Phase 3 trials, ayon kay Dela Peña, dadaan sa pag-aaral ng Vaccine Expert Panel (VEP), Research Ethics Board, at Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna ng Pfizer kung nais itong magamit sa mga Pilipino.

“Dadaan sigurado sa VEP yung datos na kanilang na-gather at doon mave-verify, kasi yung 90% (effectivity) sila lang nag-announce, hindi pa natin alam ang detalye. Kung magkakaroon ng trials dito, doon natin mave-verify.”

“Kung hindi naman sila magsasagawa ng trials at di-diretso sila FDA for supply purposes, ang aming usapan ay ire-refer din nila (FDA) sa VEP para i-analyze yung kanilang data na isa-submit, not necessarily for clinical trials, but for evaluation of the data that they have gathered during their trials.”

Ayon kay Dela Peña, kailangan pang pag-aralan kung kukuha ng advance order ng Pfizer-made vaccines ang Pilipinas.

Hindi pa rin daw sigurado na kukuha ng supply para sa emergency use ang estado lalo na’t hindi pa nasusubukan sa mga Pilipino ang bakuna ng kompanya.

“I doubt that we will follow the emergency approvals kung hindi naman dito ginawa ang trials.”