Nakapagtala ng dalawang kataong sugatan ang pagsabog sa isang apartment sa loob ng Kampo Aguinaldo kaninang alas-6:20 ng umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, sa nasabing pagsabog ay sugatan ang misis ni S/Sgt. Larry de Guzman na si Erliza, 34-anyos at ang 11-anyos na anak na lalaki.
Kasalukuyang ginagamot sa V.Luna Hospital ang mag-ina.
Nagtamo naman ng mga mga sugat sa katawan ang sundalo na siyang umuokupa sa apartment, habang nakaligtas at hindi rin nasugatan ang limang taong gulang na anak na babae.
Wala namang iba pang nadamay sa pagsabog.
Sinabi ni Arevalo na batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng maiinit na pagtatalo ang mag-asawa.
Samantala, bukod sa AFP ay iniimbestigahan din ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives ang insidente.
Napag-alaman na ang misis ang umano’y nag-trigger sa pagsabog habang paalis ng bahay ang mister na sundalo.