Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang domestic flights sa mga lugar na sa ilalim ng general community quarantine, ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade.

Bagama’t naglabas na aniya ng kasulatan at kautusan si National Task Force against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez patungkol dito, sinabi ni Tugade na kailangan daw na aprubado ito ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Planning and Project Development Giovanni Lopez, may ilang local government units na tumatanggi sa ngayon na tumanggap ng domestic flights.

Dahil dito, napagdesisyunan ng DOTr at National Task Force against COVID-19 na payagan lamang pansamantala ang domestic flights sa mga lugar na may approval ng mga LGUs.

May agam-agam kasi ang ilang lokal na pamahalaan sa pagtanggap ng domestic flights, ayon kay Lopez.

Nauna nang inanunsyo ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia na paunti-unti nilang ibabalik ang kanilang operations ngayong buwan matapos na sabihin ng pamahalaan na luluwagan ang community quarantine measures sa Metro Manil at iba pang bahagi ng bansa.