-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment-7 ang mas pinaigting na inspeksyon sa mga lugar ng paggawa sa rehiyon, kasunod ng kamakailang malakas na lindol na tumama sa Cebu.

Layon ng kautusan na tiyaking ligtas ang mga manggagawa sa kani-kanilang pinagtatrabahuan at mapanatili ang tamang Occupational Safety and Health (OSH) standards, lalo na sa gitna ng sakuna.

Kasama din sa naging dahilan ng utos ang mga ulat na natanggap ng ahensya hinggil sa ilang BPO companies na umano’y nagpumilit sa mga empleyado na bumalik sa trabaho kahit may panganib, at may ilan pang nagpataw ng parusa sa mga hindi nakapasok.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Roberto Cabardo, Regional Labor Information Officer III ng DOLE-7, kinumpirma nitong natapos na ang imbestigasyon hinggil sa naturang isyu at nakapagsumite na ng finding ang team.

Gayunman, sinabi ni Cabardo na nasa kamay na umano ni Regional Director Atty. Roy Buenafe ang kapangyarihang magpasya batay sa mga natuklasan ng grupo ng mga inspector.

Una na ring binigyang-diin nito na may mga karampatang parusa ang ahensya laban sa mga kumpanyang lalabag sa mga labor advisory, lalo na kapag ito ay may kinalaman sa kalamidad tulad ng lindol.

Hinimok din nito ang mga kumpanya at empleyado na magtulungan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa tulong ng mga alituntunin ng gobyerno.