Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida na kasalukuyang naka-leave si Undersecretary Jose Cadiz, na binanggit ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kanyang video statement na umano’y nagsilbing bagman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, nagsimula ang leave ni Cadiz noong Nobyembre 21 subalit nananatili pa ring undersecretary ng kagawaran.
Nilinaw rin niyang tulad niya, hindi binigyan ni dating DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ng anumang assignment si Cadiz para magsagawa ng panayam o imbestigahan ang mga indibidwal may kaugnayan sa kontrobersiyal na flood control projects.
Kayat hanggang ngayon, hindi kasama si Cadiz sa alinmang isinasagawang imbestigasyon ng ahensiya.
Nang tanungin kung iniimbestigahan ng DOJ si Cadiz matapos ang pahayag ni Co, sinabi ni Vida na wala sa hurisdiksiyon ng DOJ ang pagsasampa ng kaso laban sa undersecretary.
Aniya, ang anumang pananagutang kriminal o administratibo ay nasa kapangyarihan ng Office of the Ombudsman dahil ito ang taga-usig at nagpapanagot sa mga lingkod-bayan.
Matatandaan sa video statement na inilabas ni Co noong Nov. 14 sinabi niyang dumalo siya sa isang pulong kasama ang pinsan ng pangulo na si dating House Speaker Martin Romualdez at si Cadiz habang ginaganap ang budget deliberations bandang Nobiyembre ng nakalipas na taon.
Sa naturang pagpupulong, sinabi umano ni Cadiz kay Co na nagagalit ang pangulo dahil sa umano’y nawawalang “remittances.” Inutusan din umano siyang maghatid ng ₱1 billion sa Pangulo kung saan iniutos umano ni Romualdez na dalhin ang pera sa 30 Tamarind Street, South Forbes Park upang personal na maibigay sa pangulo.
Subalit, nauna ng pinabulaanan ng Malacañang ang mga paratang ni Co.
















