Itinanggi ng grupo ng mga employer at mga negosyane na kinakausap nila ang bilyonaryong si Ramon Ang upang maging caretaker ng bansa sa gitna ng pinangangambahang poitical instability dahil sa isyu ng korapsyon.
Unang lumabas ang ulat na ilang grupo ng mga negosyante ang nakikipag-usap kay Ang upang maging caretaker ng bansa kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa mga kasalukuyag pinuno ng bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) Director Butch Guerrero na walang katotohanan ang mga lumabas na ulat na inaalok ang business tycoon ng ‘caretaker’ role
Sa panig ng PCCI at ECOP, hindi rin aniya nagsasagawa ang mga ito ng pakikipag-usap sa naturang negosyante para sa posibleng leadership role.
Una na ring nanindigan si Ang na hindi siya papasok sa pulitika, sa kabila ng mga mensaheng naipapa-abot sa kaniya, kasama na ang ilang report na nagrerekomendang tumakbo siya sa public office.
Katwiran ni Ang, ang kaniyang expertise ay sa pagnenegosyo, project development, at pagsuporta sa pamahalaan – ang mga papel na nais umano niyang ipagpatuloy sa hinaharap.












