-- Advertisements --

Ibinahagi ng Department of Justice na kanilang masusi pang pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang maaring gawin pagdating sa kaso ni Mary Jane Veloso.

Sa isang panayam, sinabi ni Justice Secretary Fredderick A. Vida na sinusuri pang maigi ng kagawaran ang opsyon posibleng piliin patungkol sa kaso.

Aniya’y isinasailalim ito ng Justice Department sa ebalwasyon upang masilip ang anumang ‘legal nuances’ kasabay ng pagtitiyak na ito ay hindi maisasantabi.

Saad ng kalihim na sa susunod na linggo, sa oras matapos ang pag-aaral sa kaso ni Veloso ay posible raw silang makipag-usap sa pamilya nito.

Nais aniyang malaman ng Department of Justice ang mga inaasahan ng pamilya para kay Mary Jane Veloso upang maunawaan ng ahensiya.

Kung kaya’t dahil rito’y maisa pang pagtitiyak ni Justice Secretary Vida na makikipag-usap ito sa pamilya ni Mary Jane Veloso.

Bukod sa pagsasapinal ng mga ‘legal options’ para kay Veloso, ibinahagi ng kalihim na kanilang binubuo o kinukumpleto pa ang grupong katuwang sa pagtalakay ng kaso.

Kasunod nito’y uupo si Justice Secretary Vida kasama ang pamilya Veloso para pag-usapan ang patungkol sa sitwasyon ni Veloso.

Layon rin daw na mapaintindi sa pamilya Veloso ang mga posibilidad mangyari at makatotohanang opsyon maaring ipresenta sa kanila.

Magugunitang iginiit ng kampo ni Veloso na ilegal ang patuloy nitong pagkakadetene sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City magpasahanggang ngayon.

Binigyang diin ng kanilang kampo na ipinagbabawal umano sa batas na ikulong ang isang indibidwal sa kabila ng walang kinakaharap na pormal na kaso.

Nanindigan ang kampo ni Veloso na walang kaso ito sa Pilipinas at pawang biktima lamang ng ‘human trafficking’ sa ibang bansa.

Si Mary Jane Veloso ay maaalalang naiuwi sa Pilipinas noong 2024 sa kabila nang mapatawan ng parusang kamatayan sa Indonesia buhat madawit sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.