-- Advertisements --

Nagkaroon na raw ng briefing sa pagitan ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra at ang Office of the Solicitor General (OSG).

Kasunod na rin ito nang pakikipagpulong ni Guevarra sa transition team ni Solicitor General Jose Calida.

Kung maalala, pinili ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marco si Guevarra para pamunuan ang OSG kapalit ni Solicitor General Jose Calida.

Aniya, nagbigay daw ang OSG transition team ng overview sa operasyon at organisasyon ng naturang opisina.

Nagbigay din umano ng ideya ang OSG kaugnay nang paghawak nito ng special cases na mayroong national importance.

Ang SolGen ang siyang humahawak sa mga kaso na nagrerepresenta sa interest ng bansa sa mga appealed cases.

Kasama rin dito ang pagpapaganda ng working condition ng OSG kabilang na ang status ng gusali nitong matatagpuan sa Amorsolo, Makati.

Mayroon daw kasing structural problems sa OSG building.

Napag-usapan din ang pangangailangan ng pagbuo ng karagdagang legal divisions at amendments sa OSG law kabilang na ang retirement at survivorship benefits para sa mga state solicitors gaya ng ini-enjoy nang benepisyo na judicial counterparts.

Sinabi ni Guevarra na masaya naman itong na-appoint bilang SolGen dahil sa actual litigation hindi gaya ng Justice secretary position na hinawakan nitong karamihan ay administrative work.

Si Guevarra ay ang pumalit noon kay Secretary Vitaliano Aguirre taong 2018.