-- Advertisements --

Walang malalabag na batas o magiging pagkiling sa resulta kung babaguhin ng Senado ang voting threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.

Ayon kay Chua, wala pang nagaganap na botohan sa impeachment case kaya maaari pang repasuhin ng Senate impeachment court ang itinakdang 16 boto para sa conviction.

Una nang itinakda ni Senate President at Presiding Officer Francis Escudero ang 16-vote threshold, batay sa two-thirds ng 24 na senador.

Naging usapin ito matapos hindi makalahok ang ilang senator-judge dahil sa detention, legal na problema o medical absence.

Sinabi ni Chua na nagbigay ng magkakaibang pananaw ang mga retiradong mahistrado ng Supreme Court tungkol sa kung paano dapat bilangin ang two-thirds requirement.

Dagdag niya, ang pagkuha ng opinyon ng mga amicus curiae o eksperto sa batas ay bahagi ng due diligence ng Senate impeachment court bago gumawa ng desisyon.

Inaasahang ilalahad ng prosecution at defense ang kani-kanilang posisyon sa voting threshold sa oral arguments sa susunod na linggo. Pagkatapos nito, magpapasya ang impeachment court kung ilang boto ang kinakailangan para ma-convict ang Vice President.