-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Atty. Michael Wesley Poa ang naging pagtutol ng depensa sa pagharap ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang saksi sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika 24th day ng trial, tumutol si Atty Mark Vinluan ng defense team sa pagharap ni Cabotaje-Tang bilang saksi ng prosekusyon para sa article II ng impeachment case na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth.

Aniya, unang pagkakataon nilang hinarap si Tang bilang saksi at wala umano ito sa pre-trial order bilang witness.

Wala rin umanong nakasaad na reservation para sa isang witness na may designation at background tulad ni Tang.

Dahil dito, itinuring ng depensa si Tang bilang isang “Surprise witness” na hindi umano inaasahan sa paglilitis.

Ayon kay Poa, hindi nakalista si Tang bilang witness sa pre-trial brief at wala rin umanong partikular na reservation para sa kanya bilang karagdagang o substitute witness.

Gayunman, sinabi ni Poa na nagpasya ang presiding officer na payagan si Tang na tumestigo, na kanilang iginagalang at sinusunod.

Dahil dito, sinabi niyang tapos na ang usapin at ayaw na niyang talakayin pa Ito nang mas malalim.

Iginiit naman ni poa na ang pangunahing punto ng depensa ay ang hindi pangkaraniwang pagharap ng mga abogado o dating magistrate bilang witnesses upang magbigay ng legal opinions sa korte, dahil inaasahang alam na ng mga hukom ang batas.

Gayunman, sinabi ni poa na nabigyan ang depensa ng pagkakataong I-cross-examine si Tang, ngunit ginawa nila Ito nang may pag-iingat at proteksiyon sa kanilang panig.