Nanindigan ang Department of Justice na wala pang inilalabas ang International Criminal Court na ‘warrant of arrest’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa.
Taliwas sa naunang rebelasyon ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, binigyang linaw ng kagawaran na wala pa silang natatanggap na ‘arrest warrant’ mula sa International Tribunal.
Nitong Sabado lamang kasi ay ibinunyag mismo ni Ombudsman Remulla na mayroon ng inisyu ang naturang korte na ‘warrant of arrest’ laban sa senador.
Ngunit sa isinagawang pulong balitaan naman ng Department of Justice ngayong araw, giit lamang nila’y wala pa silang hawak na kopya ng kautusan.
Ito mismo ang binigyang diin ni Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan, patungkol sa impormasyon mayroon ng arrest warrant.
“We have not seen nor received any copy of this ICC warrant of arrest. We are just reacting to what we heard over the weekend and what has been circulating online,” ani Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan.
Gayunpaman, inihayag ng Department of Justice na kanilang pinag-aaralan ang kung anong hakbang ang dapat gawin sakaling mag-isyu ng arrest warrant ang International Tribunal.
Ibinahagi ni Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan na dalawa ang kinukunsiderang opsyon, ito ay ang pag-surrender o extradition kay Sen. Bato dela Rosa.
Ngunit kanyang paglilinaw na ang patungkol rito’y tanging mga teorya pa lamang sapagkat wala at hindi nila nakikita pa ang kautusan sakaling mayroon man.
“At this point in time, the state is seriously studying all options available to it. We are not closing the door on extradition or surrender per se,” dagdag pa ni Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan
Habang sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo, ibinahagi naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon kung kanino o ahensiya dapat unang malaman ang patungkol sa pag-iisyu ng arrest warrant mula ICC.
Aniya’y dadaan muna ito sa Department of Foreign Affairs, kasunod ay Philippine Center on Transnational Crimes atsaka pa lamang maipapadala sa iba’t ibang mga ‘law enforcement agencies’.
“I supposed it would have to be coursed through the Department of Foreign Affairs if there was really a copy of warrant. And then the Philippine Center for Transnational Crimes could be the ones to have or … to conclude the same,” ani Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.
“Then that’s the only the time transmittals will be made to the relevant agencies or law enforcement agencies directed to implement the same,” dagdag pa ni P.G. Fadullon.
















