Binigyang diin ng Department of Justice na mananatiling ‘confidential’ ang anumang napag-usapan sa pagdating ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa kagawaran ngayong araw.
Sa naganap na pulong balitaan ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice, na si Sec. Jesus Crispin Remulla, tumanggi itong idetalye ang naganap sa pakikipanayam ng mga Discaya sa kanya.
Aniya’y mananatiling pribado ito at seseguraduhing hindi makalalabas sa publiko ang mga ibinahaging impormasyon ng mag-asawang Discaya nang bumisita sa kagawaran.
Giit niya’y bahagi ito ng proseso at nakasaad sa batas hinggil sa usapin ng ‘witness protection program’ na maaring hilingin ninuman na nais tumestigo kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
“Confidential ang proceedings ng witness protection pagdating dito kasi ganun talaga eh, it’s in the law. We have to be very careful on what we say when we do this,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Habang sa usapin naman ng restitution o ang posibilidad ng pagbabalik ng mga Discaya sa umano’y mga nakuhang yaman kung meron naman, tumaggi munang magbahagi ng impormasyon ang kalihim hinggil rito.
Nanindigan si Justice Sec. Remulla na mananatiling ‘pribado’ o confidential ang kanilang mga pinag-usapan sa pagdating ng mga Discaya sa Department of Justice.
Kaya’t ang kahilingan ng mag-asawang mapasailalim sa ‘witness protection program’ ay dadaan pa sa malalimang ebalwasyon o proseso.
Ani Justice Secretary Remulla, hindi ito agaran sapagkat titingnan at ibeberipika pa ang mga pahayag o impormasyon ibabahagi ng mag-asawa.
Kasunod ng ibahagi rin ni Justice Spokesperson Mico Clavano na kanilang bubusisiin maigi ang sinumang nais tumestigo hinggil sa maanomalyang mga proyekto.
Kaya’t hinimok niya ang mga ito na ilahad lamang ang buong katotohanan at kung hindi ay maaring magkaproblema ang aplikasyon para sa witness protection program.