Tiniyak ng bagong talagang Officer-in-charge ng Department of Justice na si Undersecretary Fredderick Vida ang paghahain ng kaukulang mga kaso laban sa mga sangkot sa flood control projects anomaly.
Kanyang inihayag na makaseseguro umano ang publiko na kanilang gagawin ito kasunod ng imbestgasyong nasimulan ng kagawaran.
Sa kasalukuyan kasi ay nagpapatuloy pa rin ang pag-iimbestiga o case buildup ng Department of Justice ukol sa kontrobersiya upang matukoy ang buong katotohanan.
Ayon kay Justice Officer-in-charge Fredderick Vida, ang ihahaing mga reklamo kontra sa mga sangkot ay titiyaking matibay para tumayong kaso.
Bagama’t hanggang ngayon ay wala pa ring ikinukunsiderang ‘state witness’ ang kagawaran, kanyang sinabi na maghahain ng kaso meron o wala man makuhang testigo ng estado
Inaasahan na posibleng matapos na ang isinasagawang case buildup at tuluyan ng makapagsampa ng mga kaso sa susunod na mga linggo.
Ngunit ayon naman kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, hindi pa masasabi kung anong mga partikular na kaso ang kanilang isasampa.
Aniya’y nakadepende ito sa mga ebidensyang makakalap ng kagawaran, National Bureau of Investigation at kapulisan.
Kanyang binigyang diin na bukod ang mga ebidensiyang ito sa mga testimonyang ibinabahagi sa kanila sapagkat di’ lamang raw dito sila nakatuon o umaasa.
Dagdag pa rito’y nilinaw naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang patungkol sa maalalang rekomendasyon ng National Bureau of Investigation ng pagsasampa ng kaso.
Aniya’y hindi nito saklaw kung sino at papaano ang pagkukunsidera ng ‘state witness’ sapagkat magmumula ito sa ‘discretion’ ng investigating prosecutors.