-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na hindi pa rin ito nakapagsusumite ng kanilang counter-affidavit matapos atasan ng Office of the Ombudsman na bigyang linaw ang pagkakaaresto kay Former President Rodrigo Roa Duterte.

Kung saan bigo pa ring makapagbigay ng kanilang kontra-salaysay ang mga inirereklamo sa Office of the Ombudsman na siyang hinihingi sa kanilang panig. 

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavamo, kinumpirma niya mismo na wala pa ring naihahain na counter-affidavit hinggil rito. 

Matatandaan na kamakailan lamang ay naglabas ng direktiba ang Ombudsman sa limang inirereklamong matataas na opisyal ng bansa kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Duterte. 

Kung saan binigyan lamang ng sampung (10) araw mula sa pagkatanggap ng dokumento upang magpaliwanag sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Marbil, PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief Maj. General Nicolas Torre III, Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at pati na rin si Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao. 

Maaalala rin na inihayag din mismo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang ibinigay na sampung araw sa kanila ay hindi umano sapat para sila’y makapagpaliwanag. 

Aniya’y nakukulangan ito sa bilang ng itinakdang mga araw para sila’y makapaghain ng counter-affidavit kontra sa mga reklamong kanilang kinakaharap.

Ibinahagi din niya na ang isusumite nilang kontra-salaysay ay magkahiwalay nilang ihahain ngunit may magkakapareho namang nilalaman kasama ang iba pang respondents.

Ang limang matataas na opisyal ng bansa, kabilang si Justice Secretary Remulla ay simampahan ng reklamo sa Ombudsman ni Senadora Imee Marcos. 

Nahaharap sila sa mga reklamong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act, Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions, Grave Misconduct at iba pa kaugnay sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.