Inendorso na raw ng Department of Health (DOH) sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang inihaing reklamo ng isang private lawyer laban kay Sen. Koko Pimentel.
Ito ang kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, matapos umanong matanggap ng ahensya ang compaint na inihain ni Atty. Rico Quicho.
“Ito naman talaga yung prosesong ginagawa namin kapag may complaints na nare-receive kasi ang DOH usually administrative (work) yung sa amin, but with regard to this (case) may ibang process na kailangan, so we have submit it to the proper authorities,” ani Vergeire.
Kung maaalala, inulan ng batikos si Pimentel matapos bumisita sa Makati Medical Center noong Marso kahit itinuturing siya na person under investigation.
Sa parehong araw din nang pagbisita ng mamabatas sa ospital ay nalaman nitong positibo siya sa COVID-19.
Nagkaroon ng exposure si Pimentel sa ilang kapwa senador na dumalo sa Senate hearing kung saan may resource person na nag-positibo sa sakit.
Una nang humingi ng paumanhin ang mambabatas at iginiit na hindi siya PUI.
Agad naghain ng reklamo si Atty. Quicho sa Department of Justice noong Marso dahil sa paglabag umano ni Pimentel sa Republic Act No. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at panuntunan ng DOH.