-- Advertisements --

Posibleng makaranas ng mga serye ng pagbaha ang sampung rehiyon sa Pilipinas ngayong araw, June 24.

Ito ay dulot ng Low Pressure Area (LPA) at southwest monsoon na umiiral sa bansa na nagdadala ng malawakan at mabibigat na pag-ulan sa maraming mga lugar.

Batay sa General Flood Advisories na inilabas ng weather bureau, posibleng makaranas ng mga serye ng pagbaha ang CAR (Cordillera Administrative Region), Region 1 (Ilocos Region), Region 3 (Central Luzon), Region 4A (CALABARZON), Region 4B (MIMAROPA), Region 5 (Bicol Region), Region 6 (Western Visayas), Region 8 (Eastern Visayas), Region 9 (Zamboanga Peninsula), at BARMM.

Inaasahang maaapektuhan ang mga residenteng naninirahan sa mga mababang lugar dahil sa posibleng pagtaas ng lebel ng tubig sa mga kailugan.

Maaari ring magdulot ang mga malalakas na pag-ulan ng pagguho ng lupa sa mga bulubunduking lugar.

Pinapayuhan ng weather bureau ang mga local disaster risk reduction and management council sa mga nabanggit na rehiyon na regular na bantayan ang sitwasyon at maagap na maglabas ng abiso kung kinakailangan.