MANILA – Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH), UP-Philippine Genome Center (PGC), at UP-National Institutes of Health (UP-NIH) ng 18 bagong kaso ng B.1.1.7 (UK variant) ng SARS-CoV-2 virus sa bansa.

Dahil dito, umakyat na sa 62 ang bilang ng mga tinamaan ng sinasabing mas nakakahawang anyo ng virus na nagdudulot ng COVID-19.

-- Advertisement --

“(DOH, PGC, and UP-NIH) today confirm eighteen additional B.1.1.7 variant (UK variant) cases among the 7th batch of 757 samples sequenced by the UP-PGC on February 18, which brings the total B.1.1.7 variant cases in the country to 62,” nakasaad sa press release.

Batay sa datos ng mga ahensya, 13 mula sa mga bagong kaso ang returning overseas Filipinos (ROFs) na dumating ng bansa sa pagitan ng mga petsang January 3 hanggang 27, 2021.

Sa ngayon lahat ng 13 ay gumaling na. Patuloy naman ang contact tracing ng Health department sa mga nakasalamuha ng ROFs, at imbestigasyon sa naturang mga kaso.

Samantala, konektado naman sa clusters ng UK variant sa Cordillera Administrative Region ang tatlong iba pang tinamaan ng B.1.1.7.

Ayon sa DOH, may link sa cluster sa Samoki, Bontoc, Mountain Province ang dalawang bagong kaso ng variant. Pareho silang 12-anyos na lalaki.

Ang isa naman ay may ini-ugnay sa cluster ng UK variant sa La Trinidad, Benguet. Isang 41-anyos na babae.

“All 3 cases are now tagged as recovered and all close contacts have completed quarantine following immediate contact tracing and isolation to swiftly contain transmission among the Bontoc and La Trinidad clusters.”

Inaalam pa ng mga ahensya ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa na bagong kaso ng B.1.1.7.

“The DOH shall release additional information once available.”

Plano raw ng mga ahensyang ipadala sa World Health Organization at Global Initiative on Sharing All Influenza Data (GISAID) ang mga natuklasang resulta ng genome sequencing.

Ito ay para makatulong na rin sa pag-aaral na ginagawa ng mga eksperto para malaman ang mga pagbabago pa sa anyo ng SARS-CoV-2 virus.

Umapela ang DOH sa mga local government units na panatilihin ang pagpapatupad ng iba’t-ibang stratehiya, at tiyaking nasusunod ng publiko ang minimum public health standards.