-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na walang pagtaas sa presyo ng mga gamot sa Pilipinas, sa kabila ng epekto ng oil crisis.

Ayon kay Health Undersecretary Albert Domingo, mataas ang bulto ng mga gamot sa Pilipinas at ang kasalukuyang mga stock ay kayang magtagal hanggang Hunyo nang hindi nagtataas sa presyuhan.

Aminado ang opisyal na nananatiling maliit ang pharmaceutical industry ng bansa at hindi pa kaya sa ngayon na magkaroon ng self-sufficiency pagdating sa manufacturing o paggawa at produksyon ng mga gamot.

Gayonpaman, patuloy aniya ang DOH sa paghikayat sa mga kumpaniya na mamuhunan sa sektor ng medisina at sa ‘pharmazones’ upang mapalawak pa lalo ang local medicine market sa Pilipinas.

Aniya, malaki ang bentahe ng Pilipinas para sa naturang industriya, dahil sa geographical location nito kung saan maaring magsilbing potensyal na drop-off points ng mga shipment ang ilang malalaking pantalan tulad ng Manila at Subic ports.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa rin aniya ang pharmaceutical firms ng cost cutting adjustment para mapanatili ang kasalukuyang presyo para sa mga consumer, sa kabila ng epekto ng krisis.

Kampante rin si Domingo na kakayanin ng mga DOH hospital na balikatin ang posibleng pagtaas ng presyo ng medical supplies sa pamamagitan ng kanilang kasalukuyang budget. (report by Bombo Jai)