Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mahigpit na sundin ang mga hakbang sa kaligtasan bago, sa kasagsagan, at pagkatapos ng lindol.
Ito ay kasunod ng magnitude 5.3 na lindol na tumama sa rehiyon ng Bicol nitong gabi ng Biyernes, Hunyo 5.
Sa inilabas na advisory, binigyang-diin ng DOH na ang maagang paghahanda ay kritikal upang maiwasan ang mga pinsala at iba pang health-related emergencies.
Kaugnay nito, naglatag ang ahensiya ng mga mahahalagang alituntunin. Bago ang lindol, alamin ang pinakamalapit at pinakaligtas na emergency exits sa bahay, opisina, o gusali.
Kabisaduhin ang pinakamabilis na daan patungo sa mga itinalagang evacuation centers. Mag-impake ng emergency supply kit na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain, at first aid kit na madaling makuha.
Sa kasagsagan ng pagyanig, manatiling kalmado, magtago sa ilalim ng matibay na furniture, at protektahan ang ulo mula sa mga nahuhulog na debris. Lumayo sa mga bintana, salamin, pinto, pader, at mga nakasabit na bagay na maaaring mabasag o malaglag.
Pagkatapos ng lindol, bago muling pumasok sa mga estruktura, inspeksiyunin ang bahay kung may mga bitak, sira, electrical hazards, o pinsala sa mga linya ng utility. Manatiling alerto sa mga opisyal na ulat ng pamahalaan para sa mga babala ukol sa posibleng aftershocks.















