-- Advertisements --

Nagdodoble ingat na sa ngayon ang Department of Health (DOH) sa pagsusuri ng mga biyahero mula China, kung saan nagsimula ang misteryosong viral pneumonia outbreak na nakaapekto na sa 59 katao.

Ayon kay DOH spokesperson at Undersecretary Eric Domingo, gumagamit na ang mga health officers sa mga paliparan ng thermal scanners sa mga pasahero mula China, na kailangan ding dumaan sa physical examination at quarantine sakaling mayroon silang lagnat at trangkaso.

Unang naitala ang naturang impeksyon noong nakaraang linggo sa Lungsod ng Wuhan sa China.

Naging usap-usapan ito online kung saan may mga nagsasabi na muling nanumbalik ang nakakahawang SARS virus na kumitil sa ilang daang libong katao sa nakaraang dekada.

Gayunman, nilinaw ng China na ang outbreak ay hindi SARS virus.

Ayon sa mga otoridad, nakakaranas ng lagnat, hirap sa paghinga at invasive lesion sa baga ang mga taong nahawa sa misteryosong viral pneumonia.

Sinabi ni Domingo na para maiwasang mahawa sa sakit na ito, dapat iwasan ng mga biyahero ang mga masisikip na lugar, magsuot ng face mask, at madalas na maghugas ng kamay.

Ang mga nakakaranas naman ng flu-like symptoms matapos na bumalik sa Pilipinas ay pinapayuhang magtungo agad sa mga ospital na may specialization sa infectious diseas tulad ng Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa at San Lazaro Hospital sa Manila.