Iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pa ring katiyakan ang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas kahit bahagyang bumaba ang mga bagong kaso ng sakit na naitala sa nakalipas na araw.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, naka-depende pa rin sa ipinapasang data ng Disease Reporting Units (DRUs) ang numero ng kanilang inire-report na bagong confirmed cases kada araw.
“Maraming forecasts na ginagawa yung mga academic institutions and this serves to guide the DOH on how we will be able to move forward with our response… pinag-aaralan din yan ng DOH at ating experts.”
“Our reported cases are very much reliant on the submission of DRUs. Ibig sabihin, yung mga sina-submit ng mga laboratoyo, ospital at local government units.”
Kung maaalala, sinabi ng mga researchers mula sa UP Octa na nag-flatten na ang curve ng COVID-19 sa bansa.
Pero paalala ng opisyal, hindi lang numero ng mga kaso ang dapat pagbatayan ng sitwasyon. Itinuturing din daw kasi na indicator ang kapasidad ng health system, contact tracing, surveillance ng mga kaso ng sakit at testing.
Ani Vergeire, maaari lang sabihin na talagang matagumpay na ang COVID-19 response, kung wala nang maitatalang kaso sa loob ng dalawang linggo.
“We are not certain at this point. Tinitingnan pa natin, pinag-aaralan nating mabuti itong trends ng mga kaso at iba pang factors.”
“Kapag dumating yung panahon na in two incubation periods, its 28 days na wala tayong naitatalang (bagong) kaso, doon natin masasabi talaga na we had been really successful in all these things that we are doing for this response.”
CRITICAL COVID-19 CASES UMAKYAT SA 2%
Samantala, aminado ang DOH na tumaas ang bilang ng critical cases ng COVID-19 sa bansa. Mula kasi sa less than 1% na numero sa nagdaang mga buwan, umakyat ito sa 2% noong September 7.
“As the number of cases increase, definitely nakakakita rin tayo ng pagtaas din ng iba’t-ibang classes or types of patients. So tumaas din yung mga mild, asymptomatics, severe and critical cases.”
“Pero kapag tiningnan natin as a whole, we can see that the percentage is still the same na its less thant 2% yung severe and critical cases natin.”
Sa ngayon nananatili pa rin daw ang demographics o populasyon ng critical cases sa grupo ng mga matatanda at may iba pang iniindang sakit.
“Katulad ng hypertension is the most common, mga diabetes, sakit sa bato. Ito pa rin yung mga common pa rin na demographics nitong mga pasyente natin na nagkakaroon ng severe or critical cases.”
As of September 9, bumaba na sa 1.8% ang critical COVID-19 cases sa bansa. Nasa 1.3% naman ang severe, samantalang pinakamarami ang mild sa 88.3% at asymptomatic sa 8.6%.