Batay sa datos ng Department of Health, patuloy pang bumaba ang Reproductive Number o R-Naught ng COVID-19 sa bansa sa 0.848 nitong September 6 mula sa 0.917 noong July 28. Ibig sabihin lumiit ang bilang ng mga posibleng nahahawaan ng isang kumpirmadong kaso ng coronavirus.
Pero kahit isa ito sa mga ikinokonsidera ng mga eksperto na batayan ng curve flattening, nilinaw ng Health department na maaga pa para sabihing kontrolado na ng Pilipinas ang pagkalat ng COVID-19.
“Alam natin kung ano ang objective ng flattening of the curve, this is to prolong or lengthen the period of time ng pagtaas o pagdami ng mga kaso para nakaka-agapay ang ating health system.”
“At this point we cannot really say that ‘yang sinasabing flattening of the curve, ang masasabi lang natin may mga good indications na nakikita natin na nakaka-agapay ang ating sistema because of these indicators,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ilan pa sa nakikitang improvement ng DOH ay ang humabang case doubling time o pagitan ng mga araw bago muling dumoble ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit na ngayon ay nasa higit 11-araw na. Nasa halos 16-araw naman ang doubling time ng mga namamatay.
Ang utilization sa critical care units ng mga binabantayang lugar ay bumaba rin. Dito sa NCR 58% na lang ng mga kritikal na pasilidad ang okupado mula sa halos 90% noong Agosto. 56% sa Calabarzon, 49% sa Bulacan at 35% sa Cebu province.
Kung hihimayin, nanatili sa 48% ang occupancy sa ICU beds ng buong bansa mula Agosto. Bumaba rin sa 44% ang utilization sa mga isolation beds, 46% sa ward beds, at 26% sa mechanical ventilators.
“This is not just because nakakapag-discharge tayo ng pasyente, this is also because of the additional resources na binigay natin. Nakapagbukas tayo ng additional units sa mga ospital. We were able to mandate na both private and public facilities na magbukas pa ng additional units sa kanilang mga ospital. Nakapaglunsad tayo ng One Hospital Command.”
Ayon kay Usec. Vergeire, kailangan pang pag-uusap ng IATF ang desisyon kung aalisin na ng tuluyan ang ipinatutupad na mga lockdown, lalo na dito sa Metro Manila kung saan may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Pinaiigting din daw ng ahensya ang validation sa mga active cases, matapos lumabas sa kanilang report na umakyat sa 3.1% ang bilang ng mga nasa kritikal ang kondisyon.
Nitong Martes sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na irerekomenda niya ang lifting ng general community quarantine para mas maraming maliliit na negosyo ang makapagbalik operasyon.
“Ito siguro ay dahil sa pananaw niya (Lopez) pero ito ay kailangan pang pag-usapan sa IATF. Mayroon tayong mga ginagamit na scientific na batayan para masabi natin kung anong level dapat ng quarantine status sa isang lugar.”